Home | Ang pinagmulan ng Pasko

 

 

Ang Iglesia Katolika at mga Protestante ay may ipinagdiriwang na Pasko tuwing Disyembre 25 ng bawat taon, na ipinalalagay nila na petsa ng kapanganakan ng Panginoong Jesucristo. Kaugnay nito, marami silang isinasagawang mga aktibidad at marami rin ang nakikibahagi sa mga iyon. Kaya, may mga pumupuna sa hindi pakikipagkaisa ng Iglesia ni Cristo sa pagdiriwang nila. Sinasabi ng iba na mabuti pa raw ang kaarawan ng kapanganakan ng mga kaanib sa Iglesia ay kanilang ipinagdiriwang. Inaakala tuloy ng ilan na napakaliit ng pagtingin ng Iglesia ni Cristo sa Panginoong Jesucristo. Subalit kung alam lamang nila na hindi tunay na kaarawan ni Cristo agn ipinagdiriwang nila tuwing Disyembre 2, kundi iyon ay isang pistang pagano na “isina-Cristiano,” marahil ay hindi papayag na magkaroon sila ng bahagi sa pagdiriwang na iyon.

 

Ganito ang mababasa sa isang aklat Katoliko tungkol sa Pasko na ipinagdiriwang ng mga Katoliko at Protestante:

 

“It has sometimes been said that the Nativity is only a “Christianized pagan festival’.”

(Handbook of Christian Feasts and Customs, p. 61)

 

Ang pagkakapili ng Disyembre 25

 

Ang pagkakapili ng Disyembre 25, na di umano’y petsa ng kapanganakan ni Cristo, ay buhat lamang sa impluwensiya ng mga Romanong pagano:

 

“…The choice of December 25 was influenced by the fact that the Romans, from the time of Emperor Aurelian (275), had celebrated the feast of the sun god (Sol Invictus: The Unconquered Sun) on that day. December 25 was called the ‘Birthday of the Sun’, and great pagan religious celebrations of the Mithras cult were held all through the empire.”

Handbook of Christian Feasts and Customs, p. 61

 

Maliwanag na ang Disyembre 25 ay hindi siyang tiyak na petsa ng kapanganakan ni Cristo. Ito ay petsa ng isang kapistahan ng mga pagano, na ang ipinagdiriwang ay ang kanilang diyos na araw (Sol Invictus o Ang Hindi Mapananaigang Araw). Ang Disyembre 25 ay tinatawag na “Araw ng Kapanganakan ng Araw”. Sa petsang ito ay idinaraos ang malaking panrelihiyong pagdiriwang na pagano.

 

Galing din sa pagano

 

Hindi lamang ang petsa ang kinuhasa mga pagano kundi pati ang mga gawain kung araw ng Pasko gaya ng mga pagsisindi ng kandila at paglalagay ng mga Christmas tree.

 

“The candles, in some parts of England, lighted on Christmas eve, and used so long as the festive season lasts, were equally lighted by the pagans on the eve of the festival of the Babylonian god, to do honour to him: for it was one of the distinguishing peculiarities of his worship to have lighted wax candles on his altars. The Christmas tree, now so common among us, was equally common in Pagan Rome and Pagan Egypt.”

(The Two Babylons Or The Papal Woship, p. 97)

 

Nagsisindi ng kandila ang mga pagano sa bisperas ng kapistahan ng diyos ng Babilonia upang parangalan siya. Ang Christmas tree naman ay pangkaraniwan sa paganong Roma at paganong Ehipto. Maging ang mga nagsisipagsuri tungkol sa Christmas tree ay nagsasabi na ito’y isang labi ng pagsamba ng mga pagano sa punong kahoy:

 

“Some authorities consider the Christmas tree a survival of pagan tree worship and trace it to ancient Rome and Egypt…”

(Colliers Encyclopedia, vol. 6, p. 404)

 

Kaya, hindi nakikiisa ang mga Iglesia ni Cristo sa pagdiriwang ng Pasko dahil ito ay nagmula lamang sa mga pagano,  hindi lamang ang petsa, kundi maging ang iba’t-ibang gawain na isinasagawa ng mga Katoliko at mga Protestante sa nasabing okasyon.

 

Magliligaw sa katotohanan

 

Isang katotohanan na ang Paskong ipinagdiriwang ng mga Katoliko at mga Protestante ay katha lamang. Hindi utos ng Diyos kundi utos ng tao. Ang kautusan ng tao, kapag pinagsasaligan sa paglilingkod sa Diyos, ay nagliligaw mula sa katotohanan:

 

“At upang maalis ang hilig nila sa mga alamat ng mga Judio at mga kautusan ng mga tao, na nagliligaw lamang sa kanila mula sa katotohanan.”

(Tito 1:14, Salita ng Buhay)

 

Hindi namamalayan ng mga nakikiisa at sumasama sa pagdiriwang ng Pasko na sila naililigaw na sa katotohanang ginagaw ay sumusunod sila sa mga kautusan ng tao at mga gawaing pagano. Ang dapat maging saligan sa paglilingkod ng tao sa Diyos at sa ating Panginoong Jesucristo ay hindi ang mga utos ng tao kundi ang mga kalooban ng Diyos na nakasulat sa mga Banal na Kasulatan (II Tim. 3:15-17, Magandang Balita)

 

Anumang aral na hindi ayon sa Biblia at labag pa sa itinuturo ng Biblia ay hindi ikaliligtas kundi tiyak na ikapapahamak sa Araw ng Paghuhukom:

 

“Sapagkat hindi nila tinanggap ang katotohanan, ipinaubaya ng Diyos na sila’y malinlang ng espiritu ng kamalian at papaniwalain sa kasinungalingan upang maparusahan ang lahat ng pumili sa kasamaan sa halip na tumanggap sa katotohanan.” (II Tes. 2:11-12, MB)

 

Ito ang isa sa mga dahilan kaya hindi ipinagdiriwang ng Iglesia ni Cristo ang “Pasko” ng mga Katoliko at Protestante. Ano ang mapapala sa isang araw na masayang pagdiriwang, kung ito naman ay patungo sa pagkapahamak ng ating kaluluwa magpakailanman?

 

Sanggunian:

 

Colliers Enclopedia. New York:

Macmillan Educational Company,

1964.

 

Hislop, Alexander Rev. The Two

Babylons Or The Papal Worship. Neptune,

New Jersey: Loizcaux Brothers, INC., 1943

 

Weiser, Francis X. Handbook of Christian

Feasts and Customs. New York:

Harcourt, Brace & World, Inc., n.d.

 

 

PASUGO (God's Message)

Published magazine of Iglesia ni Cristo

This page is maintained and managed by Romano D. [blue_mizrach@yahoo.com]